MANILA, Philippines — Bumaba sa walo ang bilang ng nawawala sa trahedya ng MV June Aster matapos makumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG) na apat sa mga nasa passenger manifest ay hindi pala nakasakay sa barko.
Ayon kay PCG spokesperson Commodore Noemie Cayabyab, tatlo sa apat na pasahero ang nagkamali ng booking at nakakuha ng tiket mula Manila patungong Coron gayong Coron-to-Manila sana ang kanilang biyahe.
Ang ikaapat naman ay nakabili ng ibang tiket at nakabiyahe na patungong Coron sakay ng ibang passenger vessel noong Setyembre 5.
Personal na nahanap at nakumpirma ng PCG na ligtas ang apat, dahilan upang baguhin ang dating bilang na 12 nawawala.
Samantala, umakyat sa 77 ang bilang ng nasawi matapos mamatay sa ospital ang isa sa mga unang nailigtas mula sa nasunog na barko.
Sa pinakahuling tala, sinabi ng PCG na 128 katao ang aktuwal na sakay ng MV June Aster — 77 ang nasawi, 43 ang nakaligtas at walo ang nananatiling nawawala. Mary Anne Sapico