Home NATIONWIDE 7 parak tinukoy na ‘persons of interest’ sa pamamaril kay Kerwin Espinosa 

7 parak tinukoy na ‘persons of interest’ sa pamamaril kay Kerwin Espinosa 

MANILA, Philippines- Kasalukuyang nasa ilalim ng kustodiya ang pitong pulis matapos matukoy na persons of interest sa pamamaril kay Albuera, Leyte mayoral candidate Kerwin Espinosa, base sa Philippine National Police (PNP) nitong Biyernes.

“Meron po ngayon na under custody na pitong pulis po at iniimbestigahan whether or not may kinalaman po sila dito sa nangyaring pamamaril po kay Ginoong Espinosa,” pahayag ni PNP spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo sa isang press briefing.

“Nagsagawa po tayo ng pursuit operation dahil may isa po tayong motor vehicle in interest, isa pong Montero, na diumano umalis po kaagad doon sa site noong mangyari po yung insidente,” paglalahad ni Fajardo.

“Nasundan po ito kaagad. Pagpasok po ng compound may naabutan po doon na mga pulis po,” dagdag niya.

Naka-sibilyang kasuotan ang pitong pulis, naka-assign sa Ormoc City Police Station, base kay Fajardo. Dalawa sa kanila ay mga opisyal habang lima ang non-commissioned officers.

Namataan din ang dalawang sasakyan sa compound. Nadiskubre naman ang ilang baril sa mga sasakyan.

Dakong alas-4:30 ng hapon noong Huwebes, si Espinosa ay nasa isang campaign event at hinihintay ang kanyang pagkakataong magsalita nang barilin siya ng isang hindi nakilalang gunman. Nagtamo siya ng sugat sa kanang balikat.

Ani Fajardo, posibleng sniper ang nasa likod ng pagbaril kay Espinosa.

“Doon sa mismong area kung saan nangyari ay wala namang lumapit sa kanya para barilin siya…Ang sabi ni Regional Director possibly sniper kasi medyo malayo yung posibleng pinagpuwestuhan,” wika ng opisyal.

Noong 2016, inamin ni Espinosa sa Senate inquiry na sangkot siya sa illegal drug trade.

Taong 2018 naman nang ilahad niya sa counter-affidavit sa state prosecutors na anumang pahayag niya sa Senado ay hindi nagpapatunay na isa siyang drug lord kung walang ebidensya.

Ibinasura ng Baybay, Leyte court noong June 2024 ang drug case na inihain laban sa kanya.

Nahaharap pa rin si Espinosa sa kasong money laundering sa Pasay court at dalawang kaso ng illegal possession of dangerous drugs at illegal possession of firearms, na nauna nang ipag-utos ng Court of Appeals na muling buksan. Mary Anne Sapico