Home METRO 700 pamilya apektado ng sunog sa Muntinlupa

700 pamilya apektado ng sunog sa Muntinlupa

Inihayag ng lokal na pamahalaan ng Muntinlupa na umabot sa 700 pamilya ang naapektuhan sa sunog na sumiklab sa Barangay Alabang Linggo ng umaga, Marso 17.

Ayon kay Muntinlupa City Mayor Ruffy Biazon, sa inisyal na report na kanyang tinanggap mula sa Muntinlupa City Bureau of Fire Protection (BFP) fire marshal F/Supt. Rowena Gollod, nagsimula ang sunog dakong alas 4:48 ng umaga sa compound na nasasakupan ng mga pamilya ng Mariategue at Joaquin sa Barangay Wawa, Alabang.

Umabot ng limang oras ang itinagal ng sunog dahil sa malakas na hangin at makikitid na daan kung kaya’t nahirapan ang mga bumbero na pumasok sa mga nasusunog na kabahayan na gawa lamang sa light materials.

May mga ilang residente ang naiulat na nagtamo ng minor injuries sa naganap na sunog na idineklarang fire out dakong alas 9:42 ng umaga habang ang halaga naman ng napinsalang ari-arian ay umabot din ng P700,000 samantalang patuloy pa rin ang imbestigasyon ng BFP upang alamin ang naging sanhi ng sunog.

Ang mga naapektuhang pamilya ng sunog ay pansamantalang nanunuluyan sa dalawang evacuation sites na kinabiiblangan ng Alabang Elementary School at Pedro E. Diaz High School.

Ipinag-utos naman ni Biazon sa City Social Services Department ang pamamahagi ng pagkain at pagkakalooob ng iba pang pangunahing pangangailangan ng mga nasunugang pamilya.

Kasabay nito ay sinabi din ni Biazon na sa kabila ng paggamit ng dalawang eskwelahan bilang evacuation sites at tuloy pa rin ang pagsasagawa ng klase dahil ayon sa Muntinlupa Schools Division Office, hindi apektado ang operasyon nito sa mga nabanggit na paaralan. (James I. Catapusan)

Previous articleAlamin: Oplan Biyaheng Ayos: Semana Santa 2024 hotlines
Next articleHuman rights violations sa Pinas bumaba ng kalahati sa 2023