Home NATIONWIDE 6 PAGASA stations nakapagtala ng ‘all-time high’ na temperatura

6 PAGASA stations nakapagtala ng ‘all-time high’ na temperatura

MANILA,Philippines- Nagresulta ang matinding init na nakaapekto sa iba’t ibang rehiyon sa bansa noong Abril sa pagkakatala ng anim na synoptic stations na pinangangasiwaan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), ng pinakamatataas na temperatura.

Sinabi ni PAGASA-Climatology and Agrometeorology Chief Ana Liza Solis na kabilang sa mga istasyon na nakapagtala ng kanilang all-time high temperatures ang Clark, Pampanga (39.1°C noong April 29); San Jose, Occidental Mindoro (39.2°C noong April 22); Casiguran, Aurora (38.1°C noong April 24); Sangley Point, Cavite (38.7°C noong April 25); Malaybalay, Bukidnon (37.5°C noong April 25); at Ninoy Aquino International Airport (NAIA), Pasay City (38.8°C noong April 27).

Sinabi ng PAGASA na ang mean surface air temperatures ay “generally slightly above to way above average” sa maraming parte ng bansa noong Abril.

Samantala, tinataya nitong ang surface air temperatures ay magiging “slightly below average to warmer than average” sa buong bansa ngayong Mayo.

Narito ang forecast temperature ranges: 23⁰C hanggang 38.3⁰C sa Metro Manila; 15.2⁰C hanggang 29⁰C sa bulubunduking bahagi ng Luzon; 19⁰C hanggang 40.8⁰C para sa natitirang bahagi ng Luzon; 21.4⁰C hanggang 37.5⁰C sa Visayas; 16.1⁰C hanggang 36.3⁰C sa bulubunduking bahagi ng Mindanao at 21.4⁰C hanggang 38.3⁰C sa natitirang bahagi ng Mindanao. 

“PAGASA will continue to closely monitor the waning El Niño and the developing La Niña and its effect on the local climate,” anito sa May advisory. RNT/SA