LUCENA CITY- Naaresto ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) nitong Sabado ang hinihinalang big-time pusher at nasabat ang mahigit P1.2 milyong halaga ng shabu (crystal meth) at ecstasy tablets sa Bacoor City, Cavite.
Sa ulat nitong Linggo, nagsagawa ang PDEA-Region 4A operatives ng buy-bust operation sa open parking lot ng isang shopping mall sa Barangay Habay 2 dakong alas-12:20 ng hapon.
Nakumpiska mula sa naarestong suspek na kinilala sa alyas na “Haron,” 29, at residente ng Angeles City, Pampanga, ang 50 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P345,000 at 503 piraso ng asul na tabletas na hinihinalang ecstasy na tinatayang nagkakahalaga ng mahigit P855,000.
Itinuturing ang suspek na “high-value” target sa kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga.
Iniimbestigahan na ng PDEA ang pinagkunan ng shabu.
Kasalukuyang nakaditene ang suspek at mahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. RNT/SA