MANILA, Philippines- Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 71 kaso ng acute stroke mula Disyembre 21 hanggang Disyembre 27 bilang bahagi ng pagbabantay sa panahon ng holiday season.
Ibinahagi ni DOH Assistant Secretary at Spokesperson Albert Domingo ang datos na nakuha mula sa sentinel hospitals.
Ayon kay Domingo, 41 ang nagkaroon ng acute coronary syndrome, at 46 nagkaroon ng hika.
Sa taong ito, minarkahan ang unang sistematikong pagsubaybay ng DOH sa mga kaso ng stroke at atake sa puso, na maaaring tumaas bago ang Pasko at kalaunan ay bumaba pagkatapos ng bakasyon.
Pinayuhan ni Domingo ang publiko na iwasan ang pagkain at pag-inom na maaring makapagpataas ng peligro ng stroke at heart attack.
Para sa bronchial asthma, nagbabala si Domingo na ang mga kaso ay posibleng sumirit sa bisperas ng Bagong Taon dahil sa mga paputok at pulbura.
Pinayuhan niya ang asthma patients na suriin ang kanilang inhalers kung ito ay may laman at gumagana.
Nagbabala ang DOH laban sa holiday heart syndrome na sanhi ng maraming konsumo ng alak, stress at hindi malusog na pagkain, na maaaring magpataas ng presyon ng dugo at mag-trigger ng arrhythmia na isang panganib na kadahilanan para sa stroke. Jocelyn Tabangcura-Domenden