DHAKA- Umakyat ang death toll mula sa baha sa Bangladesh sa 71 nitong Martes kung saan milyong-milyong indibidwal ang stranded sa ilang lugar na nagpapataas ng pagkabahala sa outbreaks ng waterborne disease.
Nanalasa ang baha, dulot ng walang humpay na monsoon rains sa nakalipas na dalawang linggo, nagdulot ng malawakang pinsala at nakaapekto sa halos limang milyong indibidwal.
Mahigit 580,000 pamilya rin ang naitala sa 11 flood-hit districts, na nangangailangan ng tulong, malinis na tubig, gamot, at kasuotan. Halos 500 medical teams din ang tumutulong sa panggagamot, katuwang ang army, air force, navy, at iba pang border guard na umaasisti sa relief efforts.
Nakatutok ngayon ang mga awtoridad sa pagpigil sa pagkalat ng waterborne diseases, at pagtitiyak na mayroong malinis na inuming tubig.
Sinabi ng Directorate General of Health Services na nasa 5,000 indibidwal ang naospital sa nakalipas na 24 oras sa kaso ng diarrhea, skin infections at tuklaw ng ahas.
Nanalasa ang malakas na pag-ulan sa Dhaka nitong Martes sa maraming distrito, kung saan nalubog ang mga kalsada at nagdulot ng malawakang traffic jams dahil hindi makaalis ang mga sasakyan dahil sa mataas na baha. RNT/SA