Home NATIONWIDE Marcos: Kondisyon ni Quiboloy para lumutang ‘immaterial’

Marcos: Kondisyon ni Quiboloy para lumutang ‘immaterial’

MANILA, Philippines- Itinuturing ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kondisyon ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Apollo Quiboloy na lulutang lamang ito kung maglalabas muna siya ng written declaration na hindi niya ibibigay sa Estados Unidos ang huli upang harapin ang kanyang mga kaso.

“Parang hindi niya yata masyadong naintindihan ang proseso ng pag — pagka nag-issue ang korte ng bench warrant or warrant for arrest, it is out of our hands already. It is in the courts’ hands,” ang pahayag ni Pangulong Marcos.

Aniya pa, ang kausap na ngayon ni Quiboloy ay ang korte dahil ang papel lamang aniya ng Punong Ehekutibo ng sangay ng pamahalaan ay arestuhin siya.

“So, all of these conditions that he’s putting in are immaterial,” diing pahayag ng Chief Executive.

Nauna rito, duda naman si DOJ Undersecretary Raul Vasquez na mapagbibigyan ng gobyerno ang kondisyon ni Quiboloy.

“That is a legal issue that needs to be carefully stu­died,” ayon kay Vasquez bilang tugon sa naging pahayag ng tagapagsalita ng KOJC na si Atty. Israelito Torreon na haharapin ni Quiboloy ang mga kaso kung si Pangulong Marcos ay magbibigay ng garantiya sa pamamagitan ng ‘written declaration’ na una nang inihayag noong Abril ni Quiboloy.

Bukod sa written guarantee, hiniling din ni Quiboloy na ganoon din ang gagawin ng Philippine National Police, National Bureau of Investigation, at PNP-Criminal Investigation and Detection Group.

Subalit para kay Usec. Vasquez, “no one in government can give that guarantee strictly speaking.”

Nilinaw niya na ang Pilipinas ay may obligasyon sa extradition treaty sa Estados Unidos.

Una aniya, walang sinumang opisyal ng gobyerno ang magnanais na lumabag sa batas, lahat ng treaties ay nagi­ging batas sa oras na malagdaan at ma-confer ng Senado.

Samantala, sinabi pa ni Atty. Tarreon na nasa kapangyarihan ng Pangulo na tiyakin ang proteksyon ng kanyang mamamayan.

“I respect his opinion but if he will review Section 48 of RA 11479 there is even a ban on extraordinary rendition that pertains to persons accused or convicted of terrorism, how much more to a person who is accused of human trafficking,” ani Torreon. Kris Jose