MANILA, Philippines – Nag-isyu ang Department of Trade and Industry (DTI) ng 715 accreditations para sa construction professionals sa ilalim ng programa na layong pataasin ang kompetisyon ng naturang sektor.
Ito ay sa ilalim ng “Pakyaw” contractor’s license program ng DTI-Construction Industry Authority of the Philippines (DTI-CIAP).
“They gain a good reputation so it’s also easy for them to get clients,” sinabi ni Trade Secretary Cristina Roque kasabay ng isang media roundtable.
Inilunsad ng Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB), isa sa implementing bodies ng CIAP, ang programa noong Hulyo 2022.
Ayon sa DTI-CIAP, layon ng inisyatibo na alisin ang maling paniniwala na ang pagkakaroon ng DTI business registration o SEC registration ay sapat na para maging lehitimo ang isangconstruction contractor.
Sa ilalim ng Republic Act No. 4566, o Contractors’ License Law, sinabi ng ahensya na lahat ng contractor, kabilang ang sub-contractors at specialty contractors, ay obligadong magkaroon ng PCAB license bago sumabak sa construction contracting.
Sa pamamagitan ng accreditation program na tinukoy sa ilalim ng PCAB Board Resolution No. 123 na inisyu noong 2022, hinihikayat ang mga individual at small–scale contractors na gawing lehitimo ang kanilang operasyon.
Sinisiguro rin ng programa na maiiwasan o mababawasan ang untoward incidents na maaaring lumabag sa public security.
Ang lisensya ay para sa lahat ng proprietorship type of registration na nasa ilalim ng private projects. RNT/JGC