Home HOME BANNER STORY 73M balota sinimulan nang iimprenta

73M balota sinimulan nang iimprenta

MANILA, Philippines – Sinimulan na ng Commission on Elections (Comelec) ang pag-imprenta ng 73 milyong balota na gagamitin para sa 2025 national at local elections (NLE).

Sa 73 milyon, ipinakita sa datos ng Comelec na mahigit 68 milyon ang gagamitin para sa national elections at mahigit dalawang milyon na inilaan para sa Bangsamoro Parliamentary elections.

Nasa isang milyon din ang i-iimprenta para sa test ballots para sa final testing at sealing (FTS), habang ang natitirang balota ay gagamitin para sa overseas voting gayundin sa local absentee voting (LAV).

Ang inisyal na batch ay kabilang ang balota para sa LAV at test ballots para sa FTS.

Ayon sa poll body, tinitignan nito na mag-imprenta ng isang milyong balota kada araw, kung saan ang printing process ay magtatagal hanggang Abril 14, 2025.

Inihayag ng Comelec nitong weekend ang bagong opisyal na ballot template para sa midterm elections ngayong taon. Jocelyn Tabangcura-Domenden