Home NATIONWIDE Binata patay sa ligaw na bala sa Davao del Norte – PNP

Binata patay sa ligaw na bala sa Davao del Norte – PNP

MANILA, Philippines – Patay ang isang 19-anyos na binata matapos itong tamaan ng ligaw na bala sa ulo habang nanonood ng fireworks display sa Panabo City, Davao del Norte noong Bagong Taon, iniulat ng Philippine National Police (PNP) nitong Lunes, Enero 6.

Sa press briefing, sinabi ni PNP spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo na ang insidente ay nangyari 12:20 ng madaling araw.

“Ang victim po diyan ay lalaki po, 19-year-old. Habang ‘yung biktima po ay nakatayo po doon malapit sa kanilang gate, at habang nanonood po ng fireworks ay bigla po siya nag-complain na parang may tama po siya sa kanyang forehead,” ani Fajardo.

“Nadala po ‘yan sa hospital and unfortunately he died on the same day po ng around 2:00 p.m.,” dagdag pa niya.

Isasailalim sa crossmatching ang nakuhang bala.

Hanggang nitong Linggo, Enero 5, ay iniulat ang 18 insidente ng ligaw na bala kung saan 10 indibidwal ang sugatan dito sa pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon.

Karamihan sa mga insidenteng ito ay naitala sa Metro Manila sa pitong kaso, sinundan ng Zamboanga Peninsula na may tatlo.

Naitala rin ang kabuuang 37 insidente ng indiscriminate discharge of firearms na mas mataas kumpara sa 20 kaso noong nakaraang taon.

Mayroong 31 indibidwal ang naaresto dahil dito kung saan kabilang dito ang dalawang tauhan ng PNP, isang tauhan ng AFP, isang mula sa Bureau of Correction at Citizen Armed Force Geographical Unit personnel. RNT/JGC