Pumalo na sa 76,000 mga indibidwal ang dumalaw sa Manila North Cemetery ,base sa tala ng Manila Police District (MPD) Command Center.
Naging maayos ang daloy ng pagpasok ng sementeryo ng mga bumibisita sa mga puntod dahil naglagay ng limang lane na may mga nakatalagang pulis para inspeksyunin ang mga dalang gamit ng mga pumapasok.
Bagamat taon-taon na nagpapaalala ang pamahalaan at pulisya, marami pa rin ang hindi sumusunod sa mga ipinagbabawal tulad ng mga pabango, lighter, sigarilyo, alcohol, at vape.
Isang ginang naman ang naghihimutok sa galit nang kumpiskahin ang kanyang vape ngunit ayon sa mga nakatalagang force multipliers, ito ay kasama sa ipinagbabawal.
Pansamantala munang isusurender sa command center ang mga nakumpiskang items at maari pa rin namang makuha ng mga may-ari nito.
Mapapansin din na may mga patagong nagtitinda sa loob ng sementeryo na isa rin sa ipinagbabawal. Karamihan sa mga ito ay mga residente sa loob ng sementeryo.
Mayroon ding Help Desk na inilagay ang Manila Social Welfare para naman sa mgabmay dalang bata na kailangang maitala ang pangalan, gayundin ang First Aid station na makikita sa loob at labas ng sementeryo.
Naka-standby din ang mga medic at ambulansya sa loob at labas ng sementeryo partikular sa harapang ng Chinese General Hospital para posibleng pagtugon sa mga emerhensiya.
Maginhawa rin para sa mga seniors, PWD at buntis na pumasok sa sementeryo dahil mayroong mga E-trike na libre ang sakay.
Nagpapatuloy ang pagdagsa ng tao sa MNC. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)