MANILA, Philippines – Tumataas ang kaso ng leptospirosis matapos nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 774 bagong kaso mula Setyembre 8 hanggang 21.
Sinabi ng DOH na ang mga bagong kaso ay “dalawang beses na mas mataas” kumpara sa 381 na naitalang kaso mula Agosto 25 hanggang Setyembre 7.
Bukod dito, 509 na ang nasawi sa ngayon, 11 porsiyentong mas mababa kaysa sa 570 na naitalang pagkamatay sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Sinabi rin ng DOH na ang kabuuang kaso noon Oktubre 5, 2024 ay nasa 5,835.
Binanggit ng DOH na ang numero ay 16 porsiyento na mas mataas sa 5,050 naitalang kaso mula sa parehong panahon noong 2023.
Tinukoy din ng DOH na ang Central Visayas, Northern Mindanao, SOCCSKSARGEN (South Cotabato, Cotabato, Sultan Kudarat, Sarangani, at General Santos) ang tanging mga rehiyon sa bansa na hindi nagpakita ng pagtaas ng kaso ng leptospirosis sa nakaraang tatlo hanggang apat na linggo, o hanggang Oktubre 5.
Pinaalalahanan ni DOH Secretary Teodoro Herbosa ang publiko sa mga posibleng alalahanin sa kalusugan dulot ng pag-agos sa tubig-baha. Jocelyn Tabangcura-Domenden