ALBAY, Philippines – Inaprubahan ng Sangguniang Panlalawigan ng Albay ang resolusyon na naglalagay sa walong LGU sa ilalim ng state of calamity dahil sa patuloy na aktibidad ng Mayon Volcano.
Saklaw ng deklarasyon ang mga lungsod ng Tabaco, Legazpi, at Ligao, at mga bayan ng Sto. Domingo, Malilipot, Daraga, Guinobatan, at Camalig, sa ilalim ng Provincial Resolution No. 0579-2026 na pinagtibay noong Martes.
Ayon sa resolusyon na inakda ni Board Member Milagros Bal, nananatiling nasa Alert Level 3 ang Mayon ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology, na may madalas na rockfalls, ash emission, at pyroclastic density currents (PDCs) na nagdulot ng makapal na ashfall.
Malaki ang epekto nito sa kalusugan, kabuhayan, agrikultura, at araw-araw na gawain ng mga residente, pati na sa kalidad ng hangin at access sa serbisyo.
Sinabi ni Guinobatan MDRRMO official Joy Maravillas na nagdeklara rin ng state of calamity ang kanilang bayan dahil sa malawakang epekto, kabilang ang kakulangan sa tubig sa 44 barangay at pinsala sa agrikultura.
Ayon naman kay APSEMO head Oscar Robert Cristobal, maaaring gamitin ng mga LGU ang kanilang disaster funds, lalo na ang 30% Quick Response Fund (QRF), para sa agarang pangangailangan.
Dagdag niya, magpupulong ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council para sa karagdagang hakbang at maayos na paggamit ng pondo.
Mananatili ang state of calamity hanggang sa bumuti ang sitwasyon batay sa rekomendasyon ng PHIVOLCS at PDRRMC. RNT/MND