MANILA, Philippines – SWAK sa selda ang walong katao matapos maaresto ng pulisya sa magkakahiwalay na anti-gambling operations kung saan apat sa kanila ay nakuhanan ng droga sa Valenzuela City.
Sa ulat ng Polo Police Sub-Station (SS5) kay Valenzuela police chief P/Col. Nixon Cayaban, alas-9:00 ng Lunes ng umaga nang maaresto nila sina alyas “Ruel” at alyas “Alex” habang naglalaro ng illegal na sugal na cara y cruz sa Kapitan Nayong, Brgy. Pariancillo Villa.
Nasamsam sa kanila ang P300 bet money at tatlong peso coins na gamit bilang pangara habang ang isang plastic sachet ng hinihinalang shabu ay nakuha kay alyas Ruel.
Dakong ala-1:25 ng madaling araw nang maaktuhan ng mga tauhan ng Gen T De Leon Police Sub-Station 2 sina alyas “Arjie”, 27 at alyas “Romulo, 23, na nagsusugal din ng cara y cruz sa gilid ng Serapio Elementary School sa Brgy. Gen T De Leon kung saan nakuha sa kanila ang bet money, tatlong piso coins na gamit bilang pangara at isang plastic sachet ng umano’y shabu na nasamsam kay alyas Argie.
Nauna rito, ala-1:15 ng hapon nang maaktuhan din ng mga tauhan ng SS9 sina alyas “Lito”, 47, at alyas “Ronie”, 34, na nagpapataya at tumataya ng sugal na ‘Ending’ sa Isidro Francisco St., Brgy., Maysan kung saan nakuha sa kanila ang isang basketball ending card, bet money, at ballpen habang ang isang plastic sachet ng shabu ay nakumpiska kay alyas Lito.
Habang nadakip naman ng mga tauhan ng SS6 ang dalawang lalaki nang maaktuhang nagsusugal din ng cara y cruz sa Brgy. Malanday kung saan nasamsam sa kanila ang bet money, tatlong piso na gamit bilang pangara at isang plastic sachet ng hinihinalang shabu. Merly Duero