Home NATIONWIDE Presyo ng bigas patuloy na bumababa sa MSRP – DA

Presyo ng bigas patuloy na bumababa sa MSRP – DA

MANILA, Philippines – Ipinagmalaki ng Department of Agriculture na naging epektibo ang pagpapatupad ng maximum suggested retail price sa bigas para tuluyang mapababa ang presyo ng imported na bigas sa merkado.

Sinabi ng DA, mula sa P64 kada kilo na presyuhan ng imported rice bago ang MSRP, ngayon ay nasa P49 na lamang ang kada kilo nito alinsunod sa MSRP noong Marso 1.

Ayon kay Agriculture Sec. Francisco P. Tiu Laurel Jr., posible pang bumaba ang MSRP bago matapos ang Marso kung patuloy na bababa ang pandaigdigang presyo ng bigas at mananatiling matatag ang halaga ng piso kontra dolyar.

Nabatid sa DA sa ngayon, bumaba na rin ang landed cost ng imported rice mula Vietnam sa humigit-kumulang USD490 kada metriko tonelada.

Kaugnay nito, tiniyak naman ni Sec. Tiu Laurel sa publiko na ang pagbaba ng presyo ng bigas at taripa ay hindi makakaapekto sa taunang P30 bilyong pondo para sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF), na sumusuporta sa lokal na mga magsasaka ng palay sa ilalim ng Rice Tariffication Law (RTL).

Umaasa ang pamahalaan na patuloy pang bababa ang presyo ng bigas upang mas makabili ang mahihirap ng murang presyo ng bigas. Santi Celario