MANILA, Philippines – Muling pinagtibay ng Australia ang kanilang commitment bilang “trusted friend and strategic partner” ng Pilipinas sa paggunita ng ika-80 anibersaryo ng diplomatic relations ng dalawang bansa.
Ayon sa Australian Embassy sa Pilipinas, patuloy ang suporta ng Canberra sa development ng bansa at sa pagpapalakas ng ugnayan sa iba’t ibang larangan.
“Australia remains committed to working alongside the Philippines as a trusted friend and partner, advancing shared priorities in key areas such as defense and maritime cooperation, trade and investment, education, development cooperation, and people-to-people links,” pahayag ng embahada.
Ipinagdiwang ang anibersaryo sa isang seremonya sa Quezon Memorial Shrine na pinaliwanag sa kulay green at gold, ang national colors ng Australia.
Opisyal na naitatag ang ugnayang diplomatiko ng Pilipinas at Australia noong Mayo 22, 1946, kasabay ng pagbubukas ng Australian Consulate sa Maynila.
Sa paglipas ng panahon, naging strategic partnership ang relasyon ng dalawang bansa, na nakatuon sa seguridad, ekonomiya, edukasyon, at iba pang larangan.
Isinagawa rin ang groundbreaking ceremony para sa isang historical marker ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP), bilang pagkilala sa suporta ng Australia sa pamahalaan ni dating Pangulong Manuel L. Quezon noong World War II.
Ayon kay Australian Ambassador Marc Innes-Brown, noong 1942 ay tinanggap ng Australia si Quezon at ang kanyang gobyerno sa gitna ng digmaan.
“That spirit of friendship endures today, in our strategic partnership, our extensive cooperation, and in the more than 400,000 Filipinos who call Australia home,” aniya.
Dumalo rin sa pagdiriwang ang mga opisyal mula sa Department of Foreign Affairs, NHCP, at Pamahalaang Lungsod ng Quezon. RNT/MND