MANILA, Philippines – Naglabas ng show cause order ang Land Transportation Office (LTO) laban sa isang opisyal matapos makita ang isang government vehicle na nakaparada sa isang shopping establishment.
Ayon sa LTO, isang larawan sa social media ang nagpakita ng sasakyang pag-aari ng gobyerno na naka-park sa isang membership shopping store, na agad pinatunayan at inimbestigahan ni LTO chief Markus Lacanilao.
“You are hereby directed to submit your verified comment within five (5) days upon receipt hereof, to shed light on the matter and why no administrative sanctions shall be taken against you for violating the existing laws and regulations of the government officials using government vehicles,” ayon sa show cause order.
Sinabi ng LTO na bahagi ito ng kanilang internal cleansing laban sa pang-aabuso sa gamit ng gobyerno.
Ayon kay Lacanilao, posibleng patawan ng kaukulang parusa ang opisyal kung mapatutunayang ginamit ang sasakyan para sa personal na lakad.
“We will not tolerate any misuse of government vehicles,” dagdag niya.
Tiniyak din ng ahensya na isasagawa ang patas at malayang imbestigasyon sa insidente. RNT/MND