MULING nilibot ng Kapulisan ng Manila Police District, mga Hijos Del nazareno, balangay Taong Simbahan, at Rescue Personnel ang ruta ng Traslacion mula Grand Stand patungo sa mga kalye ng Quiapo kasama ang mga gagawing prayer stations. Crismon Heramis
MANILA, Philippines – Aabot sa 800 “hijos-pulis” o mga pulis na deboto rin ng imahe ng Jesus Nazareno ang ipapakalat sa Traslacion ngayong Biyernes, ayon sa Manila Police District (MPD) nitong Lunes, Enero 5.
Sa isang press briefing, sinabi ni MPD chief Brigadier General Arnold Abad na ang mga hijos-pulis na ito ang magsisilbing bantay ng andas o ang karwahe na may imahe ni Jesus Nazareno.
Sa mga nakaraang Traslacion, ang mga sibilyan na deboto o miyembro ng Hijos del Nazareno lamang ang nagbabantay sa andas sa panahon ng Traslacion o ang proseso ng imahe mula Quirino Grandstand pabalik sa Quiapo Church.
Layunin ng Philippine National Police (PNP) na bawasan ang tagal ng prusisyon sa mga 15 oras.
Noong Nazareno 2025, tumagal ang prusisyon ng higit sa 20 oras.
Wala naman aniyang namomonitor na anumang banta kaugnay sa Kapistahan ng Jesus Nazareno.
Ayon sa PNP, aabot sa 15,000 pulis ang ipapakalat para sa buong aktibidad.
Ang Traslacion ay ginagawa upang alalahanin ang pagdating ng imahe ng Nuestro Padre Jesus Nazareno mula Acapulco, Mexico sa Pilipinas noong 1600s at ang paglipat mula Bagumbayan (lumang Intramuros) sa Quiapo Church – St. John Baptist Parish noong 1767. Jocelyn Tabangcura-Domenden