Home NATIONWIDE P647M scholarship grant ng CHED ‘unaccounted’ — COA

P647M scholarship grant ng CHED ‘unaccounted’ — COA

262
0

MANILA, Philippines — Umaabot sa mahigit P647 milyon na pondo ng Commission on Higher Education (CHED) para sa scholarship grants ang nananatiling hindi pa naliliquidate o naia-account, ayon sa 2024 annual audit report ng Commission on Audit (COA).

Batay sa ulat ng state auditors, ang hindi pa naliliquidate na pondo ay nagmula sa CHED Regional Office IV-B (Mimaropa) at Regional Office XII (Soccsksargen), na inilaan para sa CHED Merit Scholarship Programs (CMSPs) mula school years 2019–2020 hanggang 2023–2024.

Sinabi ng COA na ang mga pondong ito ay naipamahagi na sa iba’t ibang higher education institutions (HEIs), kabilang ang mga state at local universities and colleges (SUCs/LUCs), ngunit wala pang naipapasang kumpletong liquidation reports ang mga naturang paaralan.

Dahil dito, nahihirapan ang mga auditor na matukoy kung maayos at naaayon sa patakaran ang paggamit ng pondo, at may panganib umano itong maabuso o magamit sa hindi tamang paraan.

Sa kabuuang halaga, P12.05 milyon ang mula sa CHED Region IV-B, habang ang mahigit P635 milyon ay mula sa CHED Region XII.

Ayon sa CHED Region IV-B, magpapadala sila ng demand letters sa mga paaralang sangkot upang agad na isumite ang liquidation reports, habang patuloy namang mino-monitor ng mga regional coordinators ang proseso.

Samantala, inamin ng CHED Region XII na mas inuna nila ang agarang pagpapalabas ng stipend sa mga iskolar dahil sa kakulangan ng tauhan at dami ng transaksyon, kaya’t naapektuhan ang monitoring ng liquidation.

Tiniyak naman ng CHED sa COA na paiigtingin nila ang koordinasyon sa mga paaralan at ipatutupad ang mas mahigpit na patakaran, kabilang ang posibleng pagpapahinto ng susunod na pondo sa mga institusyong hindi pa nakakapagli-liquidate ng naunang natanggap na pondo. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here