Home NATIONWIDE 828 katao inilikas sa pananalasa ng Bagyong Julian sa Cagayan

828 katao inilikas sa pananalasa ng Bagyong Julian sa Cagayan

STA ANA, Cagayan – Umabot na sa 828 katao mula sa 284 na pamilya ang inilikas ngayon sa pananalasa ng bagyong Julian sa probinsya ng Cagayan.

Sa monitoring ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) kaninang alas-sais ng umaga, Setyembre 30, 2024, anim na bayan ang nagsagawa ng pre-emptive evacuation kabilang ang Sta Praxedes, Gattaran, Calayan, Pamplona, Gonzaga, at Sta Ana dahil sa tuloy-tuloy na buhos ng ulan na dulot ng bagyo.

Mula sa nasabing bilang, 116 na pamilya na may 357 indibiduwal ang nasa labas ng evacuation area habang 172 pamilya na binubuo ng 482 indibiduwal ang nasa iba’t ibang evacuation area.

Sa ngayon, nananatiling naka-red alert status ang PDRRM Council at naka-standby rin ang lahat ng kanilang personnel.

Sinabi ni Rueli Rapsing, Officer-in-Charge ng PDRRMO na nakahanda ang kanilang mga rescue equipment sa lahat ng mga station ng Task Force Lingkod Cagayan-Quick Response Team (TFLC-QRT) sa kanilang tanggapan na hadang gamitin sa oras na kailanganin.

Samantala, sa lalawigan ng Isabela ay kasalukuyan rin ang pananalasa ng nasabing bagyo na nasa ilalim ng signal 1 kung saan may panaka-naka at pabugso-bugsong pag-ulan.

Sa ngayon ay nagbukas ng isang spillway gate ang Magat dam kung kaya’t nagpaalala ang NIA MARIIS sa publiko na maging alerto at lumikas mula sa mababang lugar sa maaaring pag-apaw. Rey Velasco