MANILA, Philippines – Muling sasabak sa politika ang cardiologist at health advocate na si Dr. Willie Ong.
Ito ay matapos niyang ianunsyo ang pagtakbo sa Senado para sa May 2025 elections sa kabila ng kanyang pakikipaglaban sa sakit na cancer.
Sa Facebook Live nitong Lunes, Setyembre 30, inanunsyo ni Ong na maghahain siya ng certificate of candidacy (COC) sa pagka-senador sa pamamagitan ng kanyang asawang si Dr. Anna Liza Ramoso.
“Magpa-file po ako for senator. I’ll be filing for senator on October 2, Wednesday. Nagawa ko na ‘yung papeles, na-notarize ko na…Si Doc Liza…siya magpa-file ng sa akin pero ako ang tatakbo,” ani Ong.
Tatakbo siya bilang independent candidate at mangangampanya sa social media para sa susunod na halalan.
“I’ll do it the cleanest way. Hindi tayo connected sa admin, Duterte, opposition…Ako lang mag-isa, no one else. If they help me, thank you. Pag hindi, thank you. Wala akong utang, wala akong hinihigi…Walang kapalit,” sinabi pa ni Ong.
Ngayong buwan lamang ay matatandaang inanunsyo ni Ong na sumasailalim siya sa gamutan dahil sa cancer.
Aniya, nadiskubre ng mga doktor ang 16 x 13 x 12 centimeter sarcoma sa kanyang tiyan na nakatago sa likod ng kanyang puso at sa harap ng spine nito.
Tinukoy ng Mayo Clinic ang sarcoma bilang grupo ng mga cancer na nagsisimula sa buto at sa malambot o connective tissues.
Matatandaan na noong 2022 ay tumakbo si Ong bilang runningmate ni presidential candidate at dating Manila Mayor Isko Moreno sa ilalim ng Aksyon Demokratiko party.
Si Ong ay nagsilbing consultant ng Department of Health mula 2010 hanggang 2014. RNT/JGC