Home NATIONWIDE 86K OFWs, pamilya sinerbisyuhan ng OFW Hospital noong 2024

86K OFWs, pamilya sinerbisyuhan ng OFW Hospital noong 2024

MANILA, Philippines – Mahigit 80,000 overseas Filipino workers (OFWs) at kanilang mga pamilya ang naserbisyuhan ng OFW Hospital sa San Fernando City, Pampanga, noong 2024, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).

Sa ulat ng OFW Hospital Medical Center chief Dr. Ralph Julius Mendoza, sinabi ng DMW na kabuuang 86,371 OFW at mga dependents nito ang nakatanggap ng medical assistance noong 2024.

Nasa 523 sa mga ito ang na-confine, 41,282 ang outpatients, at 2,711 ang nangailangan ng agarang medical care.

Mayroong kabuuang 41,855 pasyente ang nag-avail ng iba’t ibang medical services katulad ng radiology, respiratory, cardiology, at laboratory services.

Nakapagbigay din ang ospital ng mga gamot mula sa kanilang in-house pharmacy, Pre-Employment Medical Examination packages para sa mga nangangarap maging OFW, at Medical Assistance and the Medical Repatriation Program para sa repatriated OFWs.

Samantala, kamakailan ay pinasinayaan ng DMW ang OFW Hospital-Bagong Pilipinas Cancer Care Center, na layong makapagbigay ng hemodialysis at cancer care units sa mga OFW at kanilang kwalipikadong dependents.

“The OFW Hospital envisions elevating its 50-bed capacity hospital into a premier tertiary center that offers highly specialized diagnostic and therapeutic services tailored to the unique needs of migrant workers,” sinabi ng DMW. RNT/JGC