MANILA, Philippines – Huli ang isang industrial truck na illegal na nagtatambak ng mga basura sa Tondo, Maynila.
Sa pahayag ng Manila City local government unit nitong Sabado, Enero 18, nakatanggap ang Manila City Hall Task Force (MCHTF) ng reklamo na mayroong kalakip na ebidensya mula sa Department of Public Services na ipinapakita ang isang industrial truck na nagtatapon ng mga basura.
Ang trak ay naharang nitong Huwebes ng gabi sa Mel Lopez Boulevard, Barangay 105 sa Tondo, at agad na inimpound sa Central Impounding Station ng Manila Traffic Bureau.
Kalaunan ay inamin ng may-ari ng trak, na may-ari rin ng isang junk shop na dalawa sa kanyang mga empleyado na isang 60-anyos at 24-anyos na lalaki, ang may gamit ng naturang trak sa oras ng insidente.
Nahaharap ang dalawang empleyado sa reklamong paglabag sa Ecological Solid Waste Management Act of 2000.
Sinabi ng Manila City government na palalakasin nito ang imbestigasyon sa iba pang posibleng insidente at mas malaking mga sangkot sa illegal garbage dumping. RNT/JGC