Home NATIONWIDE 9 Filipino sa Gaza City, ligtas

9 Filipino sa Gaza City, ligtas

187
0

MANILA, Philippines – Ligtas ang anim na Filipino na bumalik sa Gaza City at tatlo iba pa na nagdesisyong manatili sa nasabing lugar.

Ito ay sa kabila ng nagpapatuloy pa rin na pag-atake ng Israel laban sa Hamas.

Ang tinutukoy ni Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary Eduardo de Vega nitong Miyerkules, Nobyembre 1, ay ang anim na Filipino na miyembro ng isang pamilya na bumalik sa Gaza City mula sa southern Gaza habang naghihintay sana ng pagkakataon na makatawid sa Rafah border sa Egypt.

Samantala, ang tatlo iba pang Filipino ay ang mga piniling manatili sa Gaza City sa kabila ng implementasyon ng mandatory evacuation ng pamahalaan sa ilalim ng Alert Level 4.

“Ang mabuti naman na balita, silang anim at saka ‘yung tatlo pa na talagang nandoon nanatili doon, kasama doon ‘yung isang madre, ay safe naman. Uninjured sila. Gayunpaman, alam nating hindi maganda ang sitwasyon doon nga sa pag-aatake ng Israel sa Hamas targets,” ani de Vega sa public briefing.

Nasa kabuuang 136 Filipino ang nananatili sa Gaza Strip, karamihan sa mga ito ay naghihintay ng pagbubukas ng Rafah border para makatawid patungong Egypt.

Ani De Vega, nasa 10 Filipino sa Gaza ang hindi pa rin ma-kontak mula noong Biyernes dahil pinutol ang suplay ng internet at cellphone sa nasabing lugar.

Ligtas naman ang nalalabing 126 Filipino bagama’t limitado ang suplay ng pagkain at tubig ng mga ito.

Batay sa report, namagitan na ang Qatar at ipinagkasundo ang Egypt, Israel at Hamas sa pakikipagtulungan ng US, na payagan ang “limited evacuations” sa Gaza.

Dahil dito, papayagang makatawid ang foreign passport holders at ilang critically injured people na makaalis ng Gaza sa pamamagitan ng Rafah border crossing. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here