NUEVA ECIJA-BUNSOD ng pinaigting na pagpapatupad ng election gun ban sa nalalapit na halalan, isinuko ng isang pribadong armadong grupo ang mga hindi lisensyadong armas at mga bala sa Police Regional Office-Central Luzon (PRO-3), iniulat kahapon, Pebrero 9 sa probinsyang ito.
Ayon kay PRO-3 chief Brig. Gen. Jean Fajardo, pinangasiwaan ng Nueva Ecija Police Provincial Office (NEPPO) ang boluntaryong pagsuko ng (1)M-17 rifle, (5) silver caliber .45 pistols, (1) black Colt .380 pistol, (1) 12-gauge shotgun at (1) black M16 rifle, pati na rin ang ilang magazines at mga bala sa Barangay Papaya, San Antonio, noong Biyernes.
Sinabi ni Fajardo, ang pagsuko ay nagpapalakas sa pagsisikap na maiwasan ang karahasan lalo na sa loob ng 90-araw ng kampanya para sa nasyonal na posisyon na magsisimula bukas Pebrero 11 at sa mga lokal na posisyon sa Marso 28.
“Ang boluntaryong pagsuko ng mga baril na ito ay nagpapatunay na ang ating walang humpay na kampanya laban sa loose firearms ay gumagana. Hindi natin hahayaan ang mga pribadong armadong grupo o iligal na armas na banta sa kapayapaan at katatagan ng Central Luzon,” pahayag ni Fajardo .
Sinabi ni Fajardo na naging posible ang turnover ng mga hindi lisensyadong baril sa pamamagitan ng malakas na pagtutulungan ng NEPPO, local government units at iba pang law enforcement agencies.
“I urge those are still holding unlicensed firearms to surrender them now. Nananatiling matatag ang PRO-3 sa misyon nito: Walang lugar para sa karahasan, walang puwang para sa kawalan ng batas. Gumagawa kami ng aksyon at hindi kami titigil,” ani Fajardo. Mary Anne Sapico