Home METRO 9 nasawi sa leptospirosis sa Isabela

9 nasawi sa leptospirosis sa Isabela

flood water walk - 1

SAN GUILLERMO, Isabela – Siyam na katao ang nasawi dahil sa sakit na leptospirosis na naitala sa probinsya ng Isabela.

Ayon kay Vicky Ocampo, ang Health Education and Promotion Officer ng Provincial Health Office Isabela, mula sa buwan ng Enero hanggang sa kasalukuyan ay nasa 217 na kaso ng leptospirosis ang kanilang naitala kung saan siyam ang nasawi.

Mula sa naturang bilang ng namatay sa leptospirosis, lima sa kanila ay pawang mga magsasaka.

Kaugnay nito, pinapaalalahanan ang publiko lalo na ngayong panahon ng tag-ulan at madalas ang pagbaha na mag-ingat at huwag lumusong sa baha kung may sugat sa paa.

Pinapaalalahanan din ang mga mahilig magpalinis ng kuko o pedicure na iwasang tumapak sa tubig-baha dahil posibleng maimpeksyon at matamaan ng leptospirosis.

Bukod dito, pinapayuhan din ang mga magulang na bantayan ang mga anak para hindi maglaro sa tubig-baha upang makaiwas sa anumang sakit na dulot ng maruming tubig.

Bukod sa leptospirosis, maaari ring makakuha ng iba pang sakit ngayong panahon ng tag-ulan tulad ng typhoid fever, cholera, hepatitis, at malaria.

Samantala, binabantayan anya nila ang posibleng pagtaas ng mga kaso ng water borne diseases o mga sakit na may kaugnayan sa tubig lalo na at nakaranas ng malawakang pagbaha ang probinsya dulot ng magkasunod na bagyo. REY VELASCO