Home HOME BANNER STORY 9 pambato ng PDP-Laban sa pagkasenador ipinakilala ni Digong sa publiko

9 pambato ng PDP-Laban sa pagkasenador ipinakilala ni Digong sa publiko

MANILA, Philippines – Pormal nang ipinakilala sa publiko ang siyam na pambato ng Partido ng Demokratiko Pilipino Lakas ng Bayan (PDP-Laban) para sa pagkasenador sa 2025 elections, sa pangunguna ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Inilunsad ang proklamasyon rally ng partido noong Huwebes sa Club Filipino, San Juan City, kung saan inaasahang personal na ipahayag ni Duterte ang kanyang suporta sa mga kandidato.

Kasama sa opisyal na senatorial slate ng PDP-Laban sina Senador Bong Go at Bato Dela Rosa, abogado at mang-aawit Jimmy Bondoc, abogado Raul Lambino, aktor Philip Salvador, abogado Jayvee Hinlo, Rep. Rodante Marcoleta, pastor Apollo Quiboloy, at dating executive secretary Vic Rodriguez.

Samantala, sa kanyang pahayag, opisyal ding inendorso ni Bise Presidente Sara Duterte ang mga kandidato, at binigyang-diin ang kapangyarihan ng taumbayan na pumili ng mga tapat at karapat-dapat na lingkod-bayan.

“Ako ay nagtitiwalang nasa taong bayan ang kapangyarihang baguhin ang kasalukuyang takbo ng ating bayan sa pamamagitan ng pagboto sa mga taong karapat-dapat, tapat at matiyagang maglilingkod sa bayan,” ayon sa pahayag ng Bise Presidente.

“Kasama ninyo kaming nagdarasal para sa tagumpay ng ating mga adbokasiya, alang-alang sa kapakanan ng ating mga komunidad at kapwa Pilipino,” dagdag pa niya.

Ipinangako naman ng partido na ipagpapatuloy ang adbokasiya laban sa ilegal na droga, krimen, at katiwalian, habang ipinaglalaban ang “Tapang at Malasakit” na naging tatak ng administrasyong Duterte. RNT