MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of Transportation (DOTr) nitong Biyernes, Marso 7, na 90% ng station timers sa EDSA busway ay gumagana na ulit.
Sa pahayag, sinabi ni Transportation Secretary Vince Dizon na makaaasa ng mas mabilis na daloy ng mga bus ang mga commuter na gumagamit ng EDSA Carousel system.
“Masaya po akong nagrereport na 90% sa mga 45-second timers sa EDSA Busway stops ay umaandar na po,” ani Dizon.
Para masiguro na ang mga bus driver ay tutugon sa 45-second lay-by, nakapwesto ang mga enforcer ng Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAICT) sa bawat istasyon sa north at soutbound lines.
“‘Yung mga enforcers po natin, dalawa po ang naka-istasyon sa bawat bus stop ng parehong north and southbound. Sila rin po ang nagmamando para i-remind ang ating mga bus drivers na dapat 45 seconds lamang ay umandar na sila para hindi tayo nate-tengga sa mga bus stops at nag-cause ng pag-build ng traffic,” sinabi pa ni Dizon.
Kumpiyansa naman ang DOTR chief na susunod dito ang mga bus operator at driver.
Dagdag pa, pinapabilis na rin ng DOTR ang pagsasaayos ng iba pang station timer para makumpleto ang pagpapaunlad ng kabuuang signaling system ng busway. RNT/JGC