Home NATIONWIDE 903 pasaway na parak sibak sa serbisyo noong 2024

903 pasaway na parak sibak sa serbisyo noong 2024

MANILA, Philippines – Ipinahayag ng Philippine National Police (PNP) na umabot sa 903 na pulis ang tinanggal sa serbisyo noong nakaraang taon dahil sa iba’t ibang kasalanan.

Ipinakita ng datos ng PNP na 5,457 pulis ang naharap sa administratibong kaso, kung saan 903 ang tinanggal, kabilang na ang limang lieutenant colonels, anim na majors, 12 captains, at limang lieutenants. Samantala, 2,765 ang binigyan ng parusa, habang 2,691 ang pinawalang-sala.

Sa mga pinarusahan, 1,112 ang pinatawan ng suspensyon, kabilang na ang isang colonel, 19 lieutenant colonels, 29 majors, 30 captains, at 22 lieutenants. Kasama sa ibang parusa ang demotion (108), forfeiture of salary (103), reprimand (423), restriction (82), at withholding of privileges (34).

Inutusan din ni PNP chief Gen. Rommel Marbil ang paglalagay ng 20 pulis na kinasuhan sa multi-billion drug bust sa Manila noong huling bahagi ng 2022 sa restrictive custody.

Bilang bahagi ng mga hakbang upang mapabuti ang disiplina, ipinatupad ng PNP ang zero-backlog program na may 110-araw na deadline para sa paglutas ng mga kaso, at nagsagawa ng mga seminar sa mga patakaran ng disiplina para sa 1,663 na tauhan. RNT