MANILA, Philippines – Hanggang nitong linggo ng umaga, nakapagtala ang Philippine National Police (PNP) ng 374 na pag-aresto dahil sa paglabag sa election gun ban.
Kasama sa mga nahuli ang 358 na sibilyan, apat na miyembro ng Armed Forces of the Philippines, isang pulis, 10 guwardiya, dalawang iba pang law enforcement personnel, isang appointee sa gobyerno, at tatlong dayuhan.
Sa mga nahuli, 64 ang na-aresto sa mga checkpoint na itinatag ng Commission on Elections (Comelec).
Narekober din ng mga awtoridad ang 383 baril, kabilang na ang 283 maliliit na baril, isang light weapon, pitong eksplosibo, at 92 iba pang uri ng baril. Sa mga ito, 59 ang nakuha sa mga Comelec checkpoint.
Upang ipatupad ang gun ban, naglagay ang Comelec ng 98,755 na checkpoint sa buong bansa.
Ang ban ay ipinatutupad mula Enero 12 hanggang Hunyo 11 alinsunod sa Comelec Resolution No. 11067, na layuning tiyakin ang kapayapaan at kaayusan para sa midterm elections sa Mayo 2025. (Santi Celario)