SINABI ng United States na posibleng sisiklab nang malaki ang giyerang Hezbollah at Israel sa Lebanon.
‘Yun bang, mahahatak sa giyera ang Iran at iba pang Arabong bansa kung papasok na ang mga tropa ng Israel sa mismong lupain ng Lebanon.
Naghahanda na ang Israel para sa pagpasok.
Sa ngayon, nabomba na ng Israel ang 2,000 target nito sa Lebanon, kasama ang nasa 70 intelligence site at mas maraming missile launchers ng Hezbollah.
Sa unang pagkakataon naman, nagpakawala ang Hezbollah ng cruise missile para tumbukin mismo ang Tel Aviv na kapital ng Israel ngunit nasabat ito.
Gayunman, nagpapakita ito ng pagkakaroon ng Hezbollah ng kakayahang makapagpasok ng mga armas nito kahit saan sa Israel at magdulot ng hindi masusukat na pinsala.
Aktibo na ring sumasali sa giyera ang mga kakampi ng Hezbollah mula sa Iraq na nagpakawala ng drone sa isang pier ng Israel at maaaring muling magpapakawala ng mga missile ang mga Houthi mula sa Yemen.
800 PATAY, 90K BAKWIT
Dahil sa mabangis na mga giyera mula sa 41 patay na biktima ng mga pager at walkie-talkie na pinasabong ng Israel sa Lebanon na sinundan ng mahigit 650 na patay sa pambobomba mula Lunes hanggang kahapon, nasa 700 na ang patay.
Mula 3,000 na nabulag, naputulan ng kamay at nawakwakan ng katawan sa mga sumabog na pager at walkie-talkie, libo-libo pa ang nasusugatan sa walang humpay na pambobomba ng Israel.
Kaya naman, sa bangis at lawak ng digmaan, tinatayang umabot na sa 90,000 ang nagbakwit.
Habang nag-aalsa balutan ang marami mula sa south at east Lebanon, kasama ang Beirut na kapital ng Lebanon papunta sa mga parte ng bansa na hindi sakop ng giyera, libo-libo naman ang lumilipat sa Syria, kasama ang buong 1.5 milyong Syrian refugee.
SAPILITANG PAGBABAKWIT
Sa gitna ng ganitong sitwasyon, tama lang ang hakbang ng pamahalaan natin na magpapatupad ng sapilitang pagbabakwit ng mga Pinoy na nasa Lebanon.
Sa huling mga balita, mahigit 1,000 lang pa lang ang nagpalistang Pinoy para sa pagbabakwit.
Ngunit batay sa huling mga pangyayari na hindi maganda ang kalagayan sa Lebanon sa malaking bahagi nito, maaaring darami bigla ang mga gustong umalis sa Lebanon.
Dapat klaro at ngayon pa lang, ang kamay ng pamahalaan ay naroon na sa Lebanon at may hawak na itong mga gamit, tao, pondo at iba pa para sa pagbabakwit.
Mayroon na bang mga barko o eroplano o ibang masasakyan ang mga ibabakwit gaya ng preparasyon ng US at United Kingdom, at mayroon na ba silang tiyak na pagdadalhan?
Sana hindi hanggang plano at dasal lang ang pamahalaan kundi may kongkreto nang hakbang gaya ng pagsisimula ng pagbabakwit sa mga araw na ito.