AYON sa sosyolihiya, ang kulto ay isang maliit na grupo ng mga tao na kinokontrol ang kanyang mga myembro ng buo o may kalabisan. Sila ay nakikibahagi sa iisang uri ng mga kilos at gawa, at ang kanilang paniniwala sa mga utos ng kanilang mga pinuno ay halos debosyon na.
Karaniwan silang itinuturing na lihis sa lipunan o mga deviant dahil handa nilang iwan o talikuran ang normal na takbo ng buhay sa lipunan. Kadalasan ang mga lider nila ay hinirang lang ang mga sarili at nangangako ng kaligtasan, base na rin sa babala na malapit nang magunaw ang mundo.
Sa depinisyon na ito, pwede ngang ituring na kulto ang Socorro Bayanihan Services, Inc. o SBSI na ayon na rin sa report ng National Bureau of Investigation o NBI, ang mga nakalap nilang reklamo at testimonya laban sa samahang ito ay nagpapahiwatig ng mga gawain ng isang kulto. Pati nga ang LGU officials ng bayan ng Socorro ay kumbinsido na hindi maganda ang nangyayari sa kanilang lugar dahil sa SBSI.
Parang napanood mo na sa pelikula ang kwento ng mga tumestigo sa pagdinig sa Senado. Kaya raw patigilin ni “Señor Agila” ang ulan at patahimikin ang mga ibon. Bukod pa sa siya raw ang magliligtas sa lahat ng mga naniniwala at sumasamba sa kanya.
Sa isang banda, pwedeng paliwanag sa kaganapang ito ay ang sobrang desperasyon dala ng pandemya at kahirapan, kaya madaling napaniwala at napasunod ang mga myembro ng SBSI. Wala nang malapitan ang karamihan sa kanila, kaya umasa sila sa mga matatamis na salita at pangako ng isang “karismatic” na tao, na hindi nila alam ay pagsasamantalahan lang pala sila.
Ito ang malagim ng sikreto ng mga kulto. Dahil akala ng mga “lider” o “panginoon” o “señor” ng mga grupong ito na sobrang makapangyarihan sila, hindi na sila sakop ng batas o kaya ay walang pananagutan.
Mahalaga ang pananampalataya at espiritwal na pamumuhay. Pero walang lugar sa lipunan ang pang-aabuso at pagsasamantala ng mga kulto.





