ISA sa magandang programang isinusulong ngayon ng Philippine National Police ang paglalagay ng cybercrime desk sa police stations sa buong kapuluan.
Ito ay dahil sa napakaraming kaso na may kinalaman sa cybercrime at scams na walang pinipiling biktima basta’t nakapagnakaw lang ng salapi.
Gamit ng krimen na ito ang makabagong teknolohiya, nakapanlilinlang, nakapangingikil at nakapananakot lalo na sa kasong pornograpiya.
Sa pamamagitan din ng makabagong teknolohiya nakakapagsagawa ng human trafficking ang mga sindikato, pagnanakaw ng mga intelektual na pag-aari ng isang kompanya, pagtuklas sa pagkakakilanlan ng isang tao ng lingid sa kaalaman at paglabag sa pribadong buhay ng isang indibiduwal.
Dahil sa dami ng mga krimen na may kinalaman sa teknolohiya, nagpatong-patong ang mga reklamo sa PNP-Anti-Cybercrime Group at maging sa Cybercrime Unit ng National Bureau of Investigation na hindi kaagad naa-aksyunan, lalo na yung maliliit na kaso ng pangungulimbat sa micro, small, and medium enterprises.
Ang ilan ay nawawalan nang kumpiyansa sa mga awtoridad kapag hindi kaagad nabigyang lunas ang kanilang reklamo dahil na rin sa kakulangan ng mga tauhan ng ahensiyang may kinalaman sa ganitong uri ng krimen.
Karamihan, nanahimik lang dahil alam nilang walang patutunguhan ang kanilang reklamo at magsasayang lang sila ng oras dahil nga maraming insidente na may nagreklamo sa mga police station subalit itinuturo lang sila sa ibang unit na malayo naman sa kanilang lugar.
Kaya nga mas palalakasin ng PNP ang kanilang puwersa sa pagtugon sa ganitong uri ng mga kaso sa pamamagitan ng paglalagay ng cybercrime desk sa mga presinto upang ituloy ng mga biktima ang paghahain ng reklamo na hindi na nila kailangan pang lumayo.
Sabi ng PNP-ACG, sa oras na maipatupad na nila ang programa, matututukan na nilang mabuti ang mas malalaking kaso na kinakailangan ang malakihang police operation.
Maging ang mga ahensiya kasi ng gobyerno ay kayang pasukin o i-hack ng sindikato kaya malinaw na banta talaga sa seguridad ng bansa ang paggamit ng makabagong teknolohiya ng mga criminal.
Pinakahuling kaso ay ang pag-hack sa database ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth kung saan humihingi umano ng P17 million ang hacker kapalit nang pagsasauli sa description keys, pagbura sa mga nakuha nilang data at pagsasauli sa Department of Information and Communication Technology o DICT ng kopya ng data na kanilang nakuha.