MANILA, Philippines – Nakapagtala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ng mas mataas na bilang ng mga lindol sa Mount Bulusan, Sorsogon.
Sa 8 p.m. advisory, sinabi ng PHIVOLCS na nakapagtala ng 116 na lindol ang Bulkang Bulusan mula noong alas-9 ng gabi ng Disyembre 29, 2023.
Ayon sa PHIVOLCS, 110 ang volcano-tectonic earthquake na may kaugnayan sa rock fracturing sa southern flanks at may lalim na dalawa hanggang anim na kilometro.
Ang anim na low-frequency tremors ay may kinalaman naman sa paggalaw ng volcanic fluids.
“[The] increased seismic activity and pressurization of the volcano edifice may indicate that hydrothermal processes may be occurring beneath the volcano and may lead to steam-driven eruptions at any of the summit vents,” saad sa abiso ng PHIVOLCS.
Nananatili ang Alert Level 1 o low-level of unrest sa Bulkang Bulusan mula pa noong Oktubre 25.
Nagpaalala ang ahensya sa publiko na bawal pa rin ang pagpasok sa 4-kilometer radius permanent danger zone dahil sa mataas na tsansa ng steam-driven o phreatic eruptions. RNT/JGC