MANILA, Philippines – Ginisa ni Senador Raffy Tulfo nitong Huwebes, Pebrero 1 ang Philippine Amusement Gaming Corporation (PAGCOR) sa milyon-milyong confidential funds na inilaan ng pamahalaan sa government-owned corporation noong 2022 at 2023.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Games and Amusement, sinabi ni Tulfo na binigyan ang PAGCOR ng P500 milyong confidential funds noong 2023, kung saan P120 milyon ang nagastos at na-liquidate sa loob lamang ng pitong araw.
Ipinaliwanag ni PAGCOR Chairperson Alejandro Tengco na nakakuha sila ng approval mula sa Office of the Government Corporate Counsel (OGCC) para sa P500 milyong confidential funds ngunit hindi nila ito nagamit.
Iginiit ni Tulfo na hindi dapat nakatanggap ng confidential funds ang PAGCOR dahil ang pag-monitor sa illegal gambling ay responsibilidad ng Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI).
Binanggit din niya na nakatanggap din ang PAGCOR ng P107 milyong confidential funds noong 2022 na kinumpirma naman ni Tengco.
Ani Tengco, ang pondo noong 2022 ay ginamit upang labanan ang mga illegal na aktibidad sa internet gaming.
“Marami pong pinaggatus[an] [‘yun.] Kasi nga po noon 258 more or less or hindi ako sure, basta sabihin na natin na 250 na mga internet gaming licensees po who were mostly involved in criminal activities so that was the reason, Mr. Senator, that we had [intelligence] gathering and kami po ang nakapagpasara ng ilang mga internet gaming licensees at nakapag-deport po kami ng humigit kumulang po yatang 2,000,” aniya.
“Kami po ang nagbayad lahat ng deportation. Kaya po namin nasubaybayan lahat ng illegal activities na ‘yun sa aming ahensya,” dagdag ni Tengco.
Bago magpatuloy, tinanong siya ni Tulfo kung maaari itong makapagbigay ng rekord ng mga aktibidad kung saan nila ginastos ang confidential funds.
“For me, parang redundant eh. Kasi ‘yung PNP and NBI might have the same records showing that sila ang nagpasara because of their confidential funds, nagkaroon sila ng assets na nagbigay sa kanila ng info kaya nila nahuli ‘yun,” ani Tulfo.
Nangako naman ang PAGCOR na ibibigay nila ang mga dokumentong hinihingi ng senador. RNT/JGC