MANILA, Philippines – Nagdulot ng malawakang pagbaha at kabi-kabilang landslide ang tuloy-tuloy na malalakas na pag-ulan dahil sa trough ng Low Pressure Area sa Davao Region.
Sa Davao Oriental, nagdulot ng pinsala sa mga tulay sa ilang lugar ang matinding pagbaha. Kasama rin sa mga napinsala ay ang mga tirahan at nagkaroon din ng mga pagguho ng lupa sa probinsya.
Batay sa pinakahuling datos mula sa Office of the Civil Defense (OCD) Region 11, mahigit 1,300 pamilya ang apektado ng masamang panahon sa Davao Oriental.
Samantala, patay ang tatlo katao kabilang ang 12-anyos sa naganap na landslide sa Maragusan, Davao de Oro.
Maliban dito ay pinaghahanap din ng mga awtoridad ang lalaking nawawala nang tangayin ng tubig-baha.
Mahigit 8,000 residente naman sa Davao City ang sinagip mula sa 15 barangay nang umapaw ang Davao River.
Samantala, inilagay na sa state of calamity ang Panabo City, Davao del Norte. RNT/JGC