Home NATIONWIDE Ismagel na Bugatti sports car pinaiimbestigahan ng DOTr sa NBI

Ismagel na Bugatti sports car pinaiimbestigahan ng DOTr sa NBI

143
0

MANILA, Philippines- Hiniling ng Department of Transportation (DOTr) sa National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang pinaghihinalaang pagpupuslit ng dalawang Bugatti Chiron sports car sa Pilipinas.

Nakarehistro ang mga sasakyan sa Land Transportation Office (LTO) kahit walang kaukulang dokumento sa pag-import.

Sinabi ng DOTr na sumulat si Transportation Secretary Jaime Bautista kay NBI Director Medardo De Lemos noong Pebrero 29, 2024 upang humingi ng kanyang tulong sa pagsasagawa ng posibleng kriminal at administratibong pagsisiyasat at upang matukoy ang pananagutan ng mga sangkot.

Sinabi ni Bautista na base sa sariling imbestigasyon ng LTO-National Capital Region sa usapin, nadiskubre na ang mga iregularidad sa dokumentaryo at pamamaraan ay lumilitaw na pumapalibot sa pagpaparehistro ng mga mamahaling sasakyang ito.

Sinabi ni LTO Director for Law Enforcement Service Francis Ray Almora na naglabas na rin ng show cause order ang kanyang tanggapan sa mga sangkot na partido.

Samantala, inatasan din ni Bautista ang DOTr Assistant Secretary for Road Transport and Non-Infrastructure and Special Action and Intelligence Committee for Transportation na suriin ang proseso ng pagpaparehistro ng LTO-NCR para sa mga mamahaling sasakyan.

Noong Pebrero, narekober ng mga operatiba ng NBI at Bureau of Customs (BOC) ang parehong Bugatti Chiron, isang pula at isang asul, sa dalawang magkahiwalay na operasyon sa isang marangyang subdivision sa Muntinlupa City.

Isinuko ang mga sasakyan ng kanilang mga may-ari matapos ang isang buwang paghahanap ng mga awtoridad. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here