SUMMER time na kaya’t dinadagsa na naman ang mga resort at mga beach sa iba’t ibang lugar ng bansa ng mga pami-pamilya’t lokal na turista, bukod sa bumibisitang mga banyaga.
At siyempre, hindi lang puro saya, kundi kaaikibat ng pagliliwaliw sa dagat at swimming pools ay disgrasya kung hindi magiging maingat ang nagtutungo sa mga lugar na ito.
Kaya ang Police Regional Office 3 o PRO3 ay naglatag ng “counter measure” sa pamamagitan ng deployment ng ‘baywatch cops’ sa mga beach, resorts at maging sa mga ilog sa Central Luzon.
Kasabay ng utos na deployment ng baywatch cops ay binalaan ni PBGen. Jose S. Hidalgo Jr, direktor ng PRO3, ang publiko na mag-ingat sa paglangoy sa mga dagat at resorts.
Batay sa mga ulat mula sa Regional Tactical Operations Center, mula Enero hanggang sa kasalukuyan, may kabuuang 30 insidente ng pagkalunod ang naitala na ikinasawi ng 27 katao kabilang ang ilang mga bata.
Ang mga rekord ay nagpapakita na noong nakaraang taon mula Enero hanggang sa dulo ng bakasyon sa tag-init na Mayo, may 45 insidente ng pagkalunod na ikinamatay ng 42 indibidwal.
Binigyang-diin ni Hidalgo ang kahalagahan para sa mga magulang o tagapangalaga na manatiling maingat, dahil maaaring lumabas ang hindi inaasahang mangyari sa kanilang mga anak sa pools o mga beach nang hindi sila kasama’t nagbabantay.
Hinikayat din niya ang pagbabasa at pag-intindi sa mga pahayag na may kaugnayan sa mga dapat at hindi dapat gawin sa ilang mga beach at pagsunod sa mga ipinatutupad na mga patakaran kung meron man.
Payo rin ng regional director sa mga magulang at iba pang nagbabakasyon na alamin ang lokasyon ng mga first-aid station at mga police assistance desk.
Sinabi ni Hidalgo na hindi bababa sa 1,500 na tauhan ng PNP ang nangangalaga sa mga police assistance desk sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon, lalo na sa mga kalsada at destinasyon ng turista.
Gayundin, inIutos niya na dagdagan ang bilang ng Baywatch o Water Search and Rescue cops sa upang mapalakas ang pagpapatrolya ng mga lifeguard at siguruhing ligtas ang publiko.
“See problems early and solve them quickly”, ‘yan ang maliwanag na nais mangyari ng tinawag na “Gen. Daboy ng PNP” kaya ‘bantay-sarado’ ngayon ng PRO3 cops ang mga beach, resorts at mga ilog ng Gitnang Luzon.






