Home METRO Pagtatanggol sa WPS hirit ng mga raliyista sa gov’t leaders

Pagtatanggol sa WPS hirit ng mga raliyista sa gov’t leaders

89
0

MANILA, Philippines- Nagmartsa patungong Mendiola Bridge ang iba’t ibang samahan at sektor sa ilalim ng bagong tatag na katipunan na “Alyansa Bantay Kapayapaan at Demokrasya” o ABKD.

Nabatid na nagtipon-tipon at nagsama-sama ang iba’t ibang grupo sa kahabaan ng kalye ng Nicanor Reyes St., Sampaloc, Manila kung saan ipinahayag nila ang kanilang panawagan sa mga lider ng bansa at gayundin sa mga mambabatas sa parehong Kongreso na itigil na ang panggugulo at pagpapabagsak sa pamahalaan.

Ayon sa ABKD, napapanahon na para tumindig at manindigan laban sa mga propaganda at marahas na pagkilos ng Chinese Coast Guard (CCG) at China People’s Liberation Army (CPLA) na kinabibilangan ng panggigipit, pananakot, pambu-bully sa mga sundalong Pinoy at mangingisdang Pinoy, at higit sa lahat ang pagbomba sa mga ito ng water cannon sa mismong teritoryo ng bansa na Exclusive Economic Zone (EEZ).

Iginiit pa ng nasabing grupo na ang pananahimik at pagsasawalang-kibo sa bayolenteng ikinikilos ng CCG ay nangangahulugan lamang ng pagsang-ayon sa mga ito at hindi makakatulong sa bansa kung ng bawat Pilipino ay hindi magkakaisa.

Sa kanilang pormal na programa na tinampukan ng kulturang pagtatanghal, tinalakay dito ang kasalukuyang kalagayan at kinakaharap ng bansa.

Lumagda rin ang iba’t ibang lider bilang suporta at tugon sa panawagan na inilabas na pahayag ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na ‘On Filipinos Willingness to Fight for Country’. Nagpalipad din ng mga kalapati ang grupo bilang simbolo ng kapayapaan, mapayapang pagkilos at pagpapahayag bago tumulak patungo sa Mendiola Bridge.

Sa paanan ng Mendiola Bridge ay nagsindi ng mga kandila at sulo at sabay-sabay na nagdasal para sa pagkakaisa, kapayapaan at kaunlaran ng bansa. Kasama ring isinusulong ng grupo ang agarang pagpapabilis at pagsasabatas ng Mandatory Reserved Officers Training Corps (ROTC) bilang paghahanda sa mamamayan sa lahat ng uri ng kalamidad, sakuna, krimen at terorismo.

Nabatid na isa sa mga layunin ng nasabing grupo na ipakita at ipaabot kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mainit na pagsuporta ng mamamayang Pilipino sa kanyang mga programa, polisiya at posisyon laban sa agresibong pagkilos ng CCG at CPLA sa West Philippine Sea (WPS) at Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here