MANILA, Philippines- Sinabi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos na sa oras na ang isang barangay ay nawala at nalinis na sa impluwensya ng insurhensya, kailangan na agad na ibuhos ang anti-poverty programs upang mapigilan na makabalik pa ang mga rebeldeng komunista sa rural communities.
Tinukoy ni Abalos ang Support to the Barangay Development Fund (SBDF) na prayoridad na proyekto na naglalayong iangat ang buhay ng mga mamamayan sa barangay na nakawala mula sa kontrol ng New People’s Army (NPA).
“Yes like ng ginagawa namin sa cleared barangays, ang Support the Barangay Development Fund, farm-to-market road, electrification, water, ang basic na kailangan ng tao. Kasi kung ganun lang, baka bumalik eh. So we make sure sa DILG that all these components are there,” ayon sa Kalihim sa sidelines ng National Security Cluster Communications ng “Bagong Pilipinas” Media Engagement and Workshop na idinaos sa Philippine Merchant Marine Academy (PMMA) sa San Narciso, Zambales province mula May 2 hanggang 4.
Habang maaari namang i-take over ng Philippine National Police (PNP) ang internal security operations, naniniwala si Abalos na ang presensya ng militar sa “cleared barangays” ay kailangan na manatiling kasama ng implementasyon ng anti-poverty programs.
Nauna rito, inanunsyo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na may 11 na lamang na huminang guerilla fronts ang nananatili sa buong bansa at ginagawa nito ang lahat para malansag ang NPA units sa pagtatapos ng taon.
Nauna rito, nanawagan si Pangulong Marcos na maglaan ng mas maraming pondo sa SBDP.
Ang SBDF ay isang programa sa ilalim ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Sa pamamagitan ng panawagan na ito, inulit ng administrasyong Marcos ang “unwavering commitment” para magtatag ng matibay at nagkakaisang bansa.
“By significantly increasing financial support for the SBDF, the government is laying the groundwork for a future where every Filipino community is empowered to achieve its full potential,” ang sinabi ng NTF-ELCAC.
Dagdag pa sa nasabing financial boost, binigyang-diin ng Punong Ehekutibo ang kahalagahan ng pagpapanatili at holistic approach sa “development at peacebuilding” sa iba’t ibang pang bansa, kabilang na rito ang patuloy na development at implementasyon ng tinatarget na programa at proyekto para sa 5,430 barangay na mahalaga sa BDP since its inception in 2021.
Ang administrasyon ay nasa proseso rin ng pagsasapinal ng komprehensibong 2024-2028 Roadmap, sa pangunguna ng NTF-ELCAC.
“This strategic plan aims to address the root causes of conflict, empower communities, and unite all sectors in the fight against terrorism, in alignment with the President’s Philippine Development Plan 2023-2038,” ayon sa NTF-ELCAC. Kris Jose