MANILA, Philippines- Patay ang kambal na batang babae matapos ma-trap sa nasunog na bahay sa Gagalangin, Tondo, Maynila nitong Miyerkules.
Kinumpirma ng fire marshal ng Maynila na si Sr Supt Cristine Cula na nakita sa kuwarto sa ikalawang palapag ng bahay sa No. 2334 Yangco cor. Cavite Street ang magkapatid na kambal na nasa edad 5 taong gulang.
Nasunog ang pinakaloob ng bahay na puro kahoy ngunit sa labas ay buo pa ang konkretong dingding nito.
Nagsimula ang sunog bandang alas-2:21 ng hapon at agad itinaas sa unang alarma.
Tuluyan itong naapula pagsapit nga alas-3:09 ng hapon.
Napag-alaman na wala umano ang magulang ng mga biktima dahil pumasok sila sa trabaho at tanging ang tagaalaga lamang ang kanilang kasama.
Ayon sa nag-aalaga sa mga bata, bumaba lamang ito sandali upang pumunta sa palikuran nang biglang marinig ang mga alaga niya na humihingi ng tulong.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng Manila Fire Department sa sanhi ng sunog. Jocelyn Tabangcura-Domenden