MANILA, Philippines – IPALALABAS ng Malakanyang ang detalyadong report sa publiko para maipaliwanag mabuti ang nilalaman ng pangatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. bago matapos ang buwan kalukuyan.
Sa isang ambush interview, sinabi ng Pangulo na isinasagawa na ang paghahanda para sa kanyang SONA speech, Gayunman, inamin ng Chief Executive ang problema sa kung paano magkakasya ang napakahabang government report sa ‘one hour-long talk.’
“Marami tayong mga issue na kailangan pag-usapan. Kaya’t ire-report… report talaga sa bayan ‘yan,” ayon sa Pangulo.
“And ‘yun lamang sa totoo lang, ang pinaka-problema namin ay paano namin ipagkakasya lahat doon sa isang SONA na mga isang oras na salita,” aniya pa rin.
“Kaya’t ang ginawa namin ay mayroon kaming ginawang brief, ganun kakapal, which is a report to the nation, which goes into the detail. The detail that I cannot go into during the SONA dahil masyadong mahaba,” ang pahayag ng Pangulo.
Sinabi pa ng Punong Ehekutibi na ang report ay ipagkakaloob sa publiko kabilang na sa mga miyembro ng mamamahayag, pribadong sektor at eskuwelahan, para makapagbigay ng detalyadong paliwanag at updates sa mga programa, plano at aktibidad ng gobyerno.
Samantala, inihahayag ng Pangulo ang kanyang Ulat Sa Bayan taun-taon, kadalasan ay tuwing huling Lunes ng Hulyo, para iulat ang kalagayan ng bansa, ilantad ang agenda ng administrasyon at hilingin sa Kongreso na ipasa ang mga pangunahing batas. Kris Jose