MANILA, Philippines- Isiniwalat ni Senador Sherwin Gatchalian nitong Biyernes na bilyong halaga ng salapi o itinuring niyang “unjustified money” ang natagpuan sa bank account ni suspended Bamban Mayor Alice Guo mula 2019 hanggang 2022.
Lumabas ang impormasyong ito isang araw nang ihayag ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na inaprubahan ng Court of Appeals (CA) ang pag-freeze ng bank accounts at sariling ari-arian ni Guo kasama ang dalawa pang indibidwal na sangkot sa ilegal na aktibidad ng Philippine Offshore Gaming Operations (POGO).
Ayon kay Gatchalian, ilan sa frozen na iniutos ng CA ang 36 bank accounts ni Guo kabilang ang 12 lupain, 12 sasakyan at isang helicopter.
“Binigay nila (AMLC) sa amin ‘yung amounts at malaking amounts talaga. We’re talking about billions in a span of three years. Billions ‘yung pumasok sa accounts ni Alice Guo pero if you look at the corporations– kaya nga binabalikan natin during the (Senate) hearing ‘yung corporations— both the income statements and the statements of cash flow, walang billions puro hundreds of thousands lang,” ayon kay Gatchalian sa a virtual interview nitong Biyernes.
Sinabi ni Gatchalian na mahalaga ang AMLC report sa ari-arian ni Guo dahil maipakikita dito ang detalye kung saan nagmula ang pera at paano at saan ito inilipat.
Hindi binanggit ni Gatchalian ang detalye ngunit tiniyak na ilalantad ito ng AMLC sa susunod na pagdinig. Aniya, malaking bahagi ng perang nailipat sa accounts ni Guo ay mula sa China.
“Dito makikita na ang pera na nanggagaling sa iba’t ibang lugar pumapasok sa account ni Alice Guo in the amounts of billions tapos lumalabas ‘to sa iba’t-ibang individuals at corporations, particularly dito sa pagpapatayo ng POGO hub sa Bamban,” aniya.
Ipinaliwanag pa ni Gatchalian na pinatigil ang transaksyon sa ari-arian at accounts ni Guo dahil hindi nito maipaliwanag kung saan nanggaling ang pera.
“They found out na talagang suspicious ang transactions at mataas ang probability nito na money laundering ang nangyari kaya na freeze agad ang asset,” giit ng senador.
Kinuwestiyon din ni Gatchalian kung bakit hindi ito nai-report ng bangko sa AMLC.
“It’s worth noting na bakit ngayon lang lumabas ito? If you look at the timeline, 2019 pa na malaki yung transaction… In a span of three years almost billions yung pumasok sa account niya bakit hindi na-report ng bangko?” tanong niya.
Kaya’t pinagsuspetsahan niyang nagkaroon ng sabwatan sa local banks.
“Ang suspetsa ko dito, meron ding pagkukulang ‘yung bangko. Baka ‘yung mga bangko, lalo na ‘yung mga branches, meron ring kuntsaba na nangyari at di ni-report agad sa AMLC,” ayon sa senador. Ernie Reyes