Pinapurihan ni Senate Majority Leader Francis 'Tol' Tolentino ang vlogger na si Alvin Santos, aka 'Pepe Word Smith' sa kanyang adbokasiya na magturo ng wastong grammar sa Ingles sa pamamagitan ng satirical videos online na naging viral.
MANILA, Philippines – Isang vlogger na naging tanyag sa online dahil sa kanyang kakaibang paraan ng pagtuturo ng gramatika sa Ingles ang umani ng papuri mula sa isang senador ng bansa.
Si Alvin Santos, tinatawag na ‘Pepe Word Smith’ sa social media, ay pinuri ni Senate Majority Francis ‘Tol’ Tolentino noong Biyernes.
“Thank you for helping make us a better English-speaking nation,” sabi ni Tolentino kay Santos, na naging panauhin ng senador sa kanyang radio program, ‘Morning Chill’ sa DWAN 1206 AM.
Isang inhinyero sa totoong propesyon, sinabi ni Santos na pinili niyang magpokus sa vlogging upang turuan ang mga tao ng tamang grammar sa pamamagitan ng paggawa ng mga satirical na video na nagtuturo at nagwawasto ng mga karaniwang pagkakamali ng mga Pilipino sa pagsasalita at pagsusulat ng Ingles.
Inihayag ni Santos na ang pinakamalaking bahagi ng kanyang mga tagasunod ay kabilang sa active working age, sa pagitan ng 30-45 taong gulang, habang ang pangalawang pinakamalaking grupo ay mula sa 20-30 age bracket.
Sina Tolentino at Santos ay kapwa sang-ayon na ang mga istatistika ay nagpapahiwatig kung paano pinahahalagahan ng mga Pilipino ang tuluy-tuloy na pag-aaral na higit na magpapaunlad sa kanilang mga kasanayan sa komunikasyon at pagsusulong ng kanilang karera.
Ibinahagi din ng vlogger na tututukan niya ang pagdaraos ng mga klase para sa International English Language Testing System (IELTS), isang standardized proficiency test na ginagamit sa maraming bansa.
Binigyang-diin ni Tolentino na ang pagpapabuti ng kasanayan sa Ingles ay mahalaga upang ang ating mga manggagawa ay maging globally competitive, lalo ang mga kabataan. RNT