MANILA, Philippines- Makaaapekto sa kredebilidad ng 2025 elections ang alegasyon ng panunuhol laban sa Commission on Elections (Comelec) kapag hindi agad natugunan, sinabi ng election watchdog Legal Network for Truthful Elections (LENTE).
Inihayag ni LENTE Executive Director Rona Ann Carlitos na kapag may atake sa makina ay atake rin sa kredibilidad at integridad sa darating na halalan.
Kinuwestiyon ni SAGIP Party-list Rep. Rodante Marcoleta ang awarding ng P18-billion automated election contract ng Comelec sa joint venture ng South Korean firm Miru Systems sa gitna ngga alegasyon 49 offshore bank accounts mula South Korean banks.
Nauna na ring sinabi ni Comelec Chairperson George Garcia na siya ang tinutukoy ni Marcoleta ngunit itinanggi na siya ang nagmamay-ari ng foreign bank accounts.
Hiniling din ni Garcia sa Anti-Money Laundering Council na imbestigahan ang umano’y bank accounts.
Para sa LENTE, nararapat na tugunan ng Comelec chief ang isyu.
Anito pa, ikinatuwa nila ang pagiging transparent at “head-on” sa pagtugon ni Garcia sa mga alegasyon laban sa kanya at sa komisyon.
“Kasi ayan naman po ang kailangan sa mga ganyan, transparency…Kung wala ka namang tinatago, eh di okay ka lang na mag-imbestiga,” sabi ni Carlitos.
Kasado ang halalan sa Mayo 12, ngunit ang mga botante sa ibang bansa ay maaaring bumoto mula Abril 13 hanggang Mayo 12.
Sa kabilang banda, ang local absentee voters ay maaaring bumoto mula Abril 28 hanggang 30. Jocelyn Tabangcura-Domenden