MANILA, Philippines – NANGAKO si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pag-aaralan na ipanawagan ang awtonomiya sa Cordillera region.
Humingi kasi ng suporta ang mga local leader para sa pagpapasa ng batas na magsusulong para sa regional autonomy.
Nagbigay ng commitment si Pangulong Marcos sa isang media interview sa kanya sa Apayao kung saan siya namahagi ng tulong para sa mga magsasaka at mangingisda na apektado ng El Niño.
Itinutulak ng mga residente ng Cordillera ang pagkakaroon ng awtonomiya sa rehiyon.
Ang House Bill 3267, nananawagan para sa awtonomiya ay kasalukuyang nakabinbin sa Kongreso.
Ang tagapagtaguyod ng batas ay nagpahayag na ang ‘greater autonomy’ ang magpapasigla sa development sa Cordillera.
Hinikayat ng mga ito ang Pangulo na isertipika bilang urgent ang nasabing batas.
Gayunman, sinabi ni Pangulong Marcos na ang panukala ay maaaring makapanghikayat ng mga legal challenges.
Sinabi pa rin ng Pangulo na pinapayagan ng 1987 Constitution ang paglikha ng dalawang autonomous regions.
“Kaya nabuhay ang ARMM noon na naging BARMM, ‘yung Autonomous Region [in] Muslim Mindanao. Tapos dapat dito rin. Ngunit, hindi nakuha ang sapat ng boto para sa plebisito,” ayon kay Pangulong Marcos.
“Ngayon, ang legal question is kung puwede bang balikan o sinabi ba ng Constitution, minsanan lang ‘yan? So, titingnan natin, pag-aaralan natin nang mabuti,” aniya pa rin. Kris Jose