Home OPINION BANGGAANG ISKO AT  HONEY SA MAYNILA TULOY NA

BANGGAANG ISKO AT  HONEY SA MAYNILA TULOY NA

253
0

MAGHAHALO na ang balat sa tinalupan.

Ito ang kasabihan ng mga matatanda na tumutukoy sa tuluyang pagsasabong ng dalawang grupo o indibidwal na dating kilala bilang magkasanggang-dikit o malalim ang pagkakaibigan.

Ito ngayon ang maugong at walang patid na usap-usapan sa bawat sulok ng Maynila kaugnay sa napipintong banggaan sa pulitika ng kilalang magkaalyado na sina Mayor Honey Lacuna at dating Yorme Franciso “Isko Moreno” Domagoso.

Maging ang social media ay umuusok sa dami ng mga samu’t-saring pagpuna, komento, paghahayag ng kasiyahan at reaksyon sa naging pahayag ni  Yorme Kois sa kanyang Facebook account na “Ang pagkakaibigan ay nagtatapos kapag ang pinag-uusapan ay ang kapakanan ng taumbayan.”

 Pero kahit puro pahaging lang ang diskarte muna ng dating alkalde, maliwanag pa sa sikat ng araw ang napipinto niyang pagbabalik sa larangan ng pulitika at ang target ay ang bumalik na muli bilang “Ama ng Lungsod ng Maynila”.

 Katunayan nga, bumuo na siya ng bago niyang partido matapos kumalas sa Asenso Manilenyo na dati nilang partido ni Lacuna nang tumakbo at manalo bilang magka-tandem noong 2019 election. Hindi lang yan, maaga na ring naglutangan ang ilang mga politiko na nagpakita na ng kanilang maagang paninindigan kung sino kina Lacuna at Moreno ang susuportahan habang marami pa siyempre ang nasa “gedli” lang muna ang nakikiramdam kung sino ang kanilang “mamanokin”.

Kung sabagay, hindi maiaalis sa mga Manilenyo ang manghinayang sa pagkabiyak ng relasyon ng dalawa na dati’y higit pa sa magkapatid kung magturingan lalo’t tinitingala ni Moreno hanggang sa mgayon ang namayapang ama ng kasalukuyang alkalde na si dating Vice Mayor Danny Lacuna na kung ituring niya ay tatay-tatayan. Kaya lang, kilala naman ng marami si Kois, lalo na ng mga taga-Tondo, kung gaano kalalim ang kanyang pagmamahal sa taumbayan na hihigit pa sa kanyang mga kaibigan.

Pero sa kabila nito, hinimok pa rin ni Lacuna si Moreno na magmuni-muni muna bago ituloy ang planong pagtakbo lalo na’t iisang pamilya lang naman sila at sabi nga niya, sa Maynila, ang pagmamahalan ng isang pamilya ang prayoridad. Gayunman, nilinaw ng alkalde na inirerespeto pa rin niya ang desisyon ng kanyang dating kasangga sa partido at kahit ano pa ang magiging pasiya nito, magiging “Ate” pa rin, aniya, siya ng dating alkalde.

Sa tanong naman kung may posibilidad na magka-ayos muli ang dalawa, sinabi ng ating mapagkakatiwalaang source na “negative” na raw talaga.

 Maaring magpadala ng inyong puna at reklamo sa aking email address na [email protected] o pwede rin magpadala ng mensahe sa 0995-1048357.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here