MANILA, Philippines- Sinabi ni Senate President Francis “Chiz” Escudero nitong Biyernes na imumungkahi niya na palawigin ang sesyon ng kapulungan hanggang Huwebes.
Sa mga nakaraang kongreso, isinasagawa lamang ang mga sesyon tuwing Lunes hanggang Miyerkules.
“Isa ‘yan sa ipapanukala ko sa mga miyembro pagbukas namin para naman hindi kayo malungkot dito sa Huwebes,” ani Escudero.
Base sa lider ng Senado, bibigyang-daan ng karagdagang araw ng sesyon na makapagtalakay at makapagpasa ng mas maraming panukala, sa pagkakaroon ng third regular session ng 19th Congress ng 70 session days lamang.
“Noong ako’y nasa Kamara rin may session kami tuwing Huwebes pero para sa local bills at para dun sa mga kahit national bills pag-a-agreehan ng lahat na hindi naman kontrobersyal at hindi naman kailangan pang pagtalunan at pag-awayan,” pagbabahagi ni Escudero.
“Para lamang umusad ito at hindi makain ‘yung oras sa regular na sesyon namin ng Lunes hanggang Miyerkules. Umaasa ako at hihilingin ko sa aking mga kasamahan na ito’y magawa namin para nga mula 70 maging 93 na araw yung aming sesyon sa pagtatrabaho,” dagdag ng mambabatas.
Magsisimula ang third regular session ng 19th Congress sa Hulyo 22. RNT/SA