MANILA, Philippines – Umaasa si Senador Sherwin Gatchalian na susuportahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang panawagan na palayasin ang lahat ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa bansa at magdeklara sa kanyang State of the Nation Address (SONA) sa Lunes.
Sa pahayag, sinabi ni Gatchalian na dapat suportahan ng Palasyo ang total ban dahil pugad ng kriminalidad ang POGO kabilang ang human trafficking, torture at online scams.
“Naging mas malinaw sa atin na mas maraming masasamang dulot ang pananatili ng mga POGO sa bansa kasabay ng mga pinakahuling pangyayari. Alam kong hindi ito lingid sa Pangulo at may kumpiyansa akong nakikinig siya sa gusto ng nakararami na patalsikin na ang mga POGO sa bansa,” aniya.
Dulot ng suporta ng economic manages at law enforcement agencies sa pagpapalayas ng POGOs, umaasa si Gatchalian na ipagbabawal ng Chief Executive ang naturang organisasyon.
Naghain na si Gatchalian ng panukala para sa total ban ng POGO sa bansa.
Sa ginanap na huling pagdinig ng komite hinggil sa panukala, nagpahayag ng suporta ang kinatawan ng Department of Finance, National Economic and Development Authority, Philippine National Police, Bureau of Immigration, at Department of Labor and Employment, sa total ban ng POGO.
Kasabay nito, pinapurihan naman ni Gatchalian ang ilang negosyante at socio-civic groups sa pagsuporta sa ban.
Aniya, kabilang dito ang Philippine Chamber of Commerce and Industry, Alyansa Agrikultura, Makati Business Club, Management Association of the Philippines, Financial Executives Institute of the Philippines, Foundation for Economic Freedom, University of the Philippines School of Economics Alumni Association, Institute of Corporate Directors at Justice Reform Initiative.
“I am delighted to learn that major business groups in the country support our advocacy to ban POGOs in the country in line with the position taken by our economic managers,” ani Gatchalian.
“I hope the President will listen to the growing clamor and make the appropriate decision,” giit pa niya.
Samantala, inihayag naman ni Senador Juan Miguel Zubiri na gusto din niyang marinig kay Marcos ang planong pagtugon nito sa POGOs sa SONA.
“[T]he issue of POGOs requires decisive action. The industry has been plagued by criminal activities and the social costs far outweigh the revenues,” aniya.
“It is time for a clear policy on POGOs, whether it involves an immediate ban or a phased transition to other industries for affected workers,” giit niya.
Umaasa din si Zubiri na kanyang madidinig ang plano ng administrasyon sa pagbaba ng inflation, tiyakin ang food security, palakasin ang local agricultural production, suporta sa mga magsasaka at bawasan ang pag-aangkat ng produktong agrikultural.
Kailangan din umanong tugunan ng administrasyon ang usapin ng pasahod upang makatulong sa Filipino na makaagapay sa tumataas na halaga ng bilihin.
“Finally, as a senator and a former Senate President, I look forward to the President’s legislative agenda, which we will consider and support as part of our six-member bloc in the Senate,” aniya. Ernie Reyes